
I’m proud to be Kapuso!"
Ito ang sinabi ni Heart Evangelista nang makapanayam ng media matapos pumirma ng exclusive contract nitong Miyerkules sa GMA Network.
Mainit ang pagtanggap kay Heart ng mga big boss ng GMA Network na sumaksi sa pirmahan ng kontrata. Kasama roon sina Atty. Felipe L. Gozon, Chairman, President & CEO; Mr. Gilberto R. Duavit, Jr., Executive Vice President & COO; Ms. Wilma V. Galvante, Sr. Vice President for Entertainment; Atty. Annette Gozon-Abrogar, President of GMA Films; at iba pa.
Naging kinatawan naman ni Heart sa pagpirma sa kontrata ang kanyang father-manager na si Reynaldo Ongpauco at co-manager na si Annabelle Rama.
Sa panayam ni entertainment reporter Lhar Santiago para sa Chika Minute ng 24 Oras, sinabi ni Heart na kinakabahan siya sa kanyang bagong “mundo" pero, at the same time excited.
“I’m excited. It’s something new. It’s like, para siyang bagong school. Kung baga e different university, so kinakabahan. Pero I know everything is plantsado," ayon kay Heart na ikinokonsiderang pagsubok ang mga nakalinyang proyekto sa kanya ng Kapuso station.
Pero ano nga bang mga proyekto ang gagawin ni Heart sa GMA 7?
“She’s doing prime time soap. Siya yun lead sa new soap ni Richard (Gutierrez) pagkatapos ng Kamandag. And then she’s joining SOP, and then we’re lining up a sinenobela for her and most probably a Koreanobela," ayon kay Ms Wilma Galvante.
Excited ba naman si Heart sa kanilang magiging tambalan ni Richard?
“Maraming nagsasabi sa akin na dati pa dapat magtatrabaho kami (ni Richard). Pero parang we come from two different worlds so imposible. So it’s very exciting na makakatrabaho ko siya," kwento ng magandang tsinitang aktres.
At bilang patunay na excited na siyang makatambal si Richard, nakamarka na sa kalendaryo ni Heart ang simula ng shooting nila ng gwapong actor.
“We gonna start shooting on May 5," nakangiting ibinalita ni Heart.
Lubos naman ang pasasalamat ni Duavit sa pagtitiwala ng mga magulang ni Heart sa Kapuso station. “Siyempre natutuwa tayong lahat na si Heart ay Kapuso na. At napapasalamat din kami kay Mr and Mrs Ongpauco sa tiwala nila at siyempre kay Heart sa tiwala niya sa GMA," ayon kay Duavit.
Sinabi naman ni Gozon na bagay na bagay si Heart sa GMA station. “Si Heart ay welcome na welcome sa atin dahil tayo’y Kapuso station. At si Heart sa tagalog ay Kapuso at isang napakagaling na talent."
Sa Linggo ay mapapanood sa SOP ang grand welcome para kay Heart. - Fidel Jimenez, GMANews.TV